Pages

Sunday, September 27, 2009

Ang Pagsakay Ko Sa Barkong SuperFerry 9

Ito ang barkong SuperFerry 9 na sinakyan ko noong 04 September 2009 mula Davao (Sasa Port) patungong General Santos, Ilo-Ilo at Manila na sinawing palad na lumubog sa kalagitnaan ng kanyang biyahe sa karagatan ng Zamboanga del Norte.




04 September 2009, Friday:

2:00 PM
Sakay na ako ng taxi galing sa tinitirhan ko sa Davao City papuntang Sasa (Davao) Port.

3:00 PM
Dumating ako sa Sasa at pagbaba ko ng taxi ay nagmasid muna ako sa ibang tao na sa tingin ko ay mga pasahero rin na nasa gate ng pantalan. Naninigarilyo muna ako bago pumasok sa loob. Pinapasok ako ng guard sa loob ng building na kinaroroonan ng pag-Xray ng bagahe. Dineclare ko na may maliit akong laptop (HP Mini Notebook) na dala at mga accessories nito. Tiningnan nila ito at kinuha ang electrical extension cord dahil bawal daw itong dalhin. Sinabihan akong bumalik mga 5:00 PM para madocument ito at makuha ko uli pagdating sa Manila. Pumunta na ako sa passengers' waiting area. May mangilan-ngilan ng mga pasahero ang naroon.

3:30 PM
Habang pinalilipas ko ang oras para sa pagsampa ng barko ay nagtext ako sa kapatid ko na nasa Sasa Port na ako at nag-aantay kaylan kami pasakayin. Pinalilipas ko ang mga oras sa pakipagkuwentuhan sa ibang pasahero at paminsan-minsang paninigarilyo at patingin-tingin sa palabas sa tv. Mayamaya lang ay maraming pasahero ang dumating.

5:00 PM
Tinawag na ang mga pasahero na pumila na sa bayaran ng Terminal Fee Booth na nasa kalapit lang ng Passengers' Waiting Area. Pumila ako at nasa pangatlong tao ako na nagbayad ng 11 pesos para sa terminal fee. Mula doon ay pumunta na ako sa kabilang building na ang dingding ay yari sa tolda at airconditioned ito. Tsinek ang ticket ko at kinuhanan ako ng picture sa cam ng SuperFerry representative na nakakabit sa isang laptop. Pagkatapos ay pinaupo ako sa Lane 1 at sa harap ko ay ang Priority Lane para sa mga senior citizen, may mga anak na kasama, at mga buntis na pasahero.

About 5:30 to 6:00 PM
Nagsimula na kaming paakyatin sa barko. Nauna ang mga pasaherong senior citizen, buntis at iyong may mga bata. Nang tinawag na ang nasa Lane 1 na kinabibilangan ko ay pinapunta na kami sa harapan ng inspection area. Mahigpit ang inspection sa mga bagahe at sa mga pasahero. Binitbit ko ang aking bagahe at inilapag sa gitna. Nakapila kami habang isa-isang pinaupo palibot sa aming mga bagahe. May ipinahid na kung anong chemical sa aking mga palad ng isang nangangasiwang guard habang ang aming mga bagahe ay isa-isang pinaamoy sa K9 dog at dalawang beses itong pinapagawa sa aso ng isa pang namamahalang guard. Pagkatapos ay isa-isa na naman kaming pinatayo at physical body search ang ginawa ng mga guard. Pati mga gamit na nasa bulsa ko ay tiningnan isa-isa. "Inilabas ko ang mga gamit ko sa bulsa - pitaka, coin purse, cellphone, susi, cigarettes at lighter. Binuksan ng guard ang pitaka ko at tiningnan pa kung may pera. Hindi na ako nagpakita ng pagkainis sa takot na baka kung magrereklamo pa ako ay hindi nila ako pasakayin sa barko. Para bang ang pagkatao ko ay hinubaran na nang husto sa ginawang iyon ng guard na binulatlat pa ang laman ng pitaka ko."

About 6:30 PM
Nakasampa na ako sa barko. Pinuntahan ko ang teheras ko sa Tourist accommodation Blue 23B. Nilapag ko ang gamit sa teheras at nagpahinga konti. Mataas iyong barko at hingal-kabayo ako sa pagpasan ng bagahe ko. Pumunta ako sa dining area "Island Fiesta" para maghapunan. Gutom na ako at nang makapagpahinga ng maaga. Pagkatapos ay nagtext ako sa kapatid ko na nasa barko na ako. Nagreply ang kapatid ko at nagtanong kung anong barko ang sinakyan ko. Ito ang reply ko: "SuperFerry 9 at aalis na kami mga 8:45 ngayong gabi. Sa September 7 ang dating sa Manila mga 1:00 PM. Gudnyt at mis u ol." Tumingin ako sa pagload ng mga container at sa ibang pasahero na nagsisiakyatan pa habang naninigarilyo at nakikipagkaibigan sa ibang pasahero. Naglakadlakad muna ako sa gilid ng barko at nang dumami na ang mga pasahero ay pumunta na ako sa aking teheras. Nakausap ko nga pala kanina ang staff na namamahala sa pagbibigay ng beddings. Pinuntahan ko siya at in exchange sa beddings ay dineposit ko ang aking Metrobank ATM card. Pinuntahan ko na ang aking teheras at inayos ang mahihigaan ko. 12 katao ang kuwarto at 4 pa lang ang taong nadatnan ko doon na galing Davao. May isang lalaking may dalang isang batang babae. Later, napag-alaman ko na siya si Greg Hinanti na isang bus conductor sa Manila at ang kanyang anak ay si Nicole na apat na taong gulang. Umuwi sila ng Davao (sa Panabo) dahil namatay ang kanyang ina. I am not sure of his family name. Nakilala ko rin si Nathaniel Velasco na isang seaman na pabalik rin ng Manila para sumampa uli ng barkong pang-ibang bansa. Si Tantan (palayaw ni Nathaniel) ay taga-Picawayan, North Cotabato malapit sa home town ko sa Cotabato. At isang babae na si Jenalyn Buacas na isang medical secretary sa isang clinic sa Manila. Di ko alam ang kung taga saan siya but I believe taga Davao del Sur siya dahil Cebuano ang salita namin.

"Ang mga nabanggit kong mga pangalan na kakuwarto ko ay malaki ang ginampanan para sa kaligtasan ng bawat isa."

About 9:00 ~ 10:00 PM
Ang barkong SuperFerry 9 ay umalis ng Sasa Port at exactly 9:00 PM. Nasa left side ako ng barko para manigarilyo at magsend ng text message sa kapatid ko. "Larga na mi karon lang gayod. Gudnyt 2 every1 & I mis u ol." Reply ng aking kapatid: "Cge Ne, au au. Gudnyt ug maayong pagsakay." Bago ako natulog ay nagtext pa ako sa aking kapatid. "Thk u 4 ur help & support & understanding. Dis wil b my basis 4 a renewed life. I luv u ol & I mis u ol." Ito na iyong last text message ko sa aking kapatid na hindi na niya sinagot dahil malalim na ang gabi. Bumalik ako sa teheras at nadatnan kong tulog na ang mga kasama ko sa room. Pinagmamasdan ko sila sakaling may gising pa. Gusto kong may makausap pa, di pa ako inaantok kahit pagod ang katawan dahil mabigan ang pinasan kong bagahe kanina. Sa kalaunan ay nahiga na rin ako. Sinet ko ang alarm ng cellphone ko ng 7:00 AM. Tinabingan ko ng kumot ang sa may ulo ko para hindi masilaw sa ilaw habang natutulog. Natulog ako at hindi alintana ang pag-uga ng barko dahil maalon ang dagat ng gabing yaon.

No comments:

Post a Comment